UFO VIDEO TOTOO – PAGASA. Experts Palalalimin ang Pagsisiyasat.

(Transcribed from the Pinoy Times, September 12, 2000)

A Pinoy Times EXCLUSIVE by Debra Bellosillo and John Henry Dodson

Hindi peke!

Walang duda ang tropa ng UFO Investigation Team ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) na tunay ang video footage ng mga hindi pa batid na bagay na naglaro sa kalawakan noong Sept. 3 sa Las Piñas City.

Ayon kay Elmor Escosia, team leader ng UFO Investigation Team, tunay at hindi gawa-gawa lamang ang video na ipinakita ni Antonio Israel tungkol sa mga naglalarong UFOs noong Linggo ng gabi sa tapat na kanilang bahay.  Ipinakita ni Israel kahapon sa PAGASA officials ang buong video footage na na kanyang nakuha noong gabing iyon.

Sa isang panayam sa PINOY TIMES, sinabi ni Escosia na, “Hindi naman puwedeng gawa-gawa lang niya ‘yon dahil sa ingay sa paligid na nakuha sa video. At saka nakita rin ito sa ibang lugar.”

Aniya, lumalabas na bumalik nga at muling nagpakita ang mga bagay na una nang namataan ng ilang residente ng Las Piñas partikular noong 1997 sa Pilar Village.  Ang mga bagay ay nakita umano sa araw ding iyon sa Alabang, Muntinlupa City.

Dahil dito, nakatakdang magsagawa ng “eksperimento” ang tropa ng PAGASA sa mga susunod na araw, kung saan maganda na ang panahon kaysa sa kadalasang nararanasang maulap na papawirin ngayon.

Sa gagawing pag-aaral, kukunan ng mga opisyal ng video ang kalawakan tuwing gabi para ikumpara sa nakuhang video ni Israel.  Noong gabing kumukuha ng video footage si Israel, walang ulap sa kalangitan nang makita ang mga hinihinalang UFO.

Sinabi ni Escosia na batay sa mga nauang pag-aaral, malamang na ang namataan ng mga taga-Las Piñas ay hindi mga planeta o mga sumasabog na bituin na tinatawag na “nebula.”

Ayon din kay Escosia, isang panibagong masusing pagaaral ang nakaatang sa kanila dahil ito pa lamang ang kauna-unahang video footage ng sighting na sinabi niyang hindi peke.

Kasama ring nanood ng video ng UFO sina Ruben Cunanan ng Observatory, Jose Mendoza at Jose Olivar ng publication and research; at si Jerry Alamongar na taga-PAGASA rin.

Nauna rito, sinabi ni Escosia na hindi puwedeng basta-bastang ipahayag na “flying saucers” nga ang nakita ng sinuman.  Kailangang makasama ang iba pang bansa bago matanggap na extra-terrestrial nga ang pinanggalingan ng mga bagay na nakita.

Nabatid mula kay Escosia na ang sighting sa Ormoc, Leyte, noong 1984 ay isinangguni pa sa U.S. particular na sa yumaong astronomer na si Dr. Allen Hynek ng Project SETI (Search for Extraterrestrial Intelligence) na ngayo’y tinagurian nang Project Phoenix.

Ang Ormoc sighting ay isa sa iilang pangyayari na hindi nabigyan ng paliwanag o konklusyon ng mga awtoridad.

Marami ang naniniwalang may UFOs

HINDI ka nag-iisa kung naniniwala ka sa UFO (Unidentified Flying Object).

Sa isang poll na inilathala ng LIFE Magazine nitong nakaraang Marso, natuklasang 54% ng mga Amerikano ang naniniwala na posibleng may life form sa ibang planeta. 

Ayon sa LIFE, isang patunay sa posibilidad na ito ay ang patuloy na imbestigasyon ng scientists sa mga naiuulat na UFO sightings sa buong mundo (2,416 sightings noon 1999). 

Isa pang patunay na interes na ito ay ang pagkakaroon ng programang SETI (Search for Extraterrestrial Intelligence) ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).

Sinimulan ng US Air Force ang pag-iimbestiga ng mga UFO mula nang may napabalitang may bumagsak na spaceship noong 1947 sa Roswell, New Mexico.  Halos 2 dekada bago natapos ang imbestigasyon, at 10% ng mahigit 10,000 UFO sightings ang idineklarang mahirap ipaliwanag sa lumabas na report – ang Project Blue Book.

May dalawang sanga naman ang SETI program.  Ang una’y ang pag-gamit ng mga higanteng satellite dish upang makinig ng mga radio signals sa kalawakan.

Ang pangalawang aspeto ng SETI ay sinimulan ng NASA noong 1996 sa pagaanalisa nito sa mga meteors na bumabagsak sa ating planeta.  Ito’y para mapag-aralan ang posibleng life forms na dala nito (John Henry Dodson)

[Click here to view portions of the video on youtube:  http://www.youtube.com/tonyisrael%5D

Advertisements

About this entry