UFO? Posible! – PAGASA

(Transcribed from the Pinoy Times, September 8, 2000)

A Pinoy Times EXCLUSIVE by Debra Bellosillo and John Henry Dodson                                                

 Posibleng may mga UFO (Unidentified Flying Object).

Ito ang pag-amin kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nang tanungin ng PINOY TIMES kung UFO nga kaya ang nakita ng mga residente ng Las Piñas noong Linggo ng gabi.

Ayon kay Elmor Escosia, hepe ng Pagasa-UFO Investigation Team, “malaki ang possibility ng UFO, pero sa ngayon wala pa tayong nakukuhang puwedeng magpatunay nito.”

Napag-alaman din mula sa naturang opisyal na hindi ito ang unang pagkakataong may naiulat na UFO sighting sa Las Piñas.

Sa talaan ng PAGASA-Astro Publication Unit, sinasabi na noong Mayo 18, 1997, nakakita ang mga resident ng Pilar Village sa siyudad na iyong ng 6 hanggang 13 na umano’y UFO.  Namalas nila ang mga ito mula 1 p.m. hanggang 6:30 p.m.

Flying Saucer?

Ayon sa mga saksi, ang mga nakita nila’y parang “saucer” na may butas sa gitna at napapaikutan ng pulang ilaw sa “transparent” na gilid nito.

Walang nakuhang video footage or larawan ang naturang sighting, subalit nang makapanayam ng mga taga-PAGASA ang mga residente noon at ipina-drawing ang nakita nila, magkapareho raw ang “objects” na nakita nila.

Ayon din sa talaan ng PAGASA, nagkaroon din ng sighting sa Ormoc noong Marso 2, 1984.  Apat na kabataang mag-aaral ng Valencia Elementary School ang nagsabing nakakita sila ng “flying saucer.”

Dakong 7:20 a.m. nang makarinig umano ng malakas na pagsabog ang mga bata at nakita ang isang balumbon ng usok.  Maya-maya pa’y unti-unting tumambad sa kanila ang isang “silvery-white object” na may 12 metro ang diyametro.  Dahan-dahang lumapag ang mga ito sa lupa sa pamamagitan ng 6 na animo’y tungkod na paa.

Ilang sandali lamang ay muli itong pumaitaas sa kalawakan at saka mabilis na nawala.

 Ulap at isip

Ang dalawang insidente ay wala pa ring konklusyon, ayon sa PAGASA.  Inirekord na lamang umano ng PAGASA UFO Investigating Team ang mga insidente.

Sa panayam ng PINOY TIMES kay Cynthia Celebre, hepe ng PAGASA-Astronomy and Research Development Section, sinabi nito na bagamat may mga nakabimbing kaso sa tanggapan, “so far, wala pa naming nakapagpatotoo, puro sightings.”

Aniya, “Kasi minsan, mga results lang ng optical illusion o reflection ng lights sa ulap, lalo na kapag cloudy…so, nothing to conclude yet.”

Kinikilatis din sa imbestigasyon kung anong klase o kasanayan mayroon ang isang nakakita.  “Depende kasi rin yan sa frame of mind ng tumitingin, kung ano ang nasa isip niya,” aniya.

“Minsan ang pula sa iba, puwedeng dilaw naman sa paningin ng isa pa.” ani Celebre.

Milky Way

Tungkol naman sa mga nakita ng mga taga-Las Piñas noong Linggo, sinabi naman ni Escosia na, “Pwedeng reflection lang ng lights ang nakita ng mga residente sa lugar, dahil tuwing cloudy ang sky, nagiging screen ang papawirin ng mga ilaw.”

Hindi rin inaalis ng naturang opisyal ng team na posibleng mga planeta ang nakita sa kalawakan.

Ang Milky Way, ay may 200 bilyon stars.  Maraming planeta na puwedeng doon naggaling yung mga nakita nila.  Hindi rin natin alam,” sabi pa ni Escosia.

Samantala, iginiit rin ng naturang opisyal na maaari nang mapatunayan kung ano man ang naturang sightings sa pamamagitan ng camera dahil, aniya, maging ang mga tala sa kalangitan ay kaya na nitong makuhaan.

 Ipakita sa NASA

 Subalit malakas ang tiwala ni Antonio P. Israel na UFOs ang kanyang nakuha sa kanyang camera. Sa katunayan, nakahanda siyang ipadala sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng Amerika ang footage ng mga bilugan, umiilaw at lumilipad na bagay na nakunan niya noo gabi ng Setyembre 3.

“The proof of the pudding is in the viewing.  Hindi ko gustong mag-speculate pero talagang yung mga nakakita ng video ay naapektuhan,” ang sabi kahapon ni Israel. Handa rin daw siyang ipakita sa mga taga-PAGASA ang kanyang video footage.

Sa isang exclusive story ng PINOY TIMES na lumabas kahapon, ikinuwento ni Israel at ng iba pang saksi ang anila’y mga UFO noong Linggo.

Ipinapanood din ni Israel kay PINOY TIMES sports editor John Dodson at photographer Mike Perez ang footage. Pumayag din siyang kunan ng retrato ni Perez ang footage habang ipinapalabas ito sa TV monitor.

 Mga saksi

Ayon kay Israel, nakunan niya ng video ang mga “UFO” sa harap ng kanyang bahay sa Silver Street, Camella Homes IV.  Hindi naman magkamayaw ang ilang taong malapit sa kanya sa kanilang pagtingin din sa kalawakan.

Sa hiwalay na panayam, ilang saksi sa katabing subdivision – ang Pamplona Park Subdivision, ang nagsabing nakakita rin sila ng mga bilugan, umiilaw at lumilipad na bagay noon gabi ng Setyembre 3.

Magkakatugma sa mga pahayag ng dalawang sets ng witnesses sa Camella IV at Pamplona Park ang kulay ng mga baga – “reddish,” red or orange” pula,” at “mamula-mula.”  Halos sa magkasabay ding oras nakita ang mga “UFO” sa dalawang subdivision.

Kahapon ay dinumog ng broadcast at print photographers si Israel sa Las Piñas.  Binisita rin siya ng nagpakilalang mga taga-PAGASA.

Sinbihan umani si Israel ng nagsabing taga-PAGASA na lagi niyang ihanda ang kaniyang video camera upang kung bumalik man ang mga bagay na iyon ay makunan uli.

 May UFO Investigating Team pala tayo

Ang UFO Investigating Team ng PAGASA ay binubuo ng 8 katao na nanggaling sa observatory, planetarium at tanggapan ng computation and publication noon 1996.

Mula nang kumilos ito ay ilang kaso na ng inakalang UFO sightings ang naisara at napatunayang pagkakamali.

Kabilang sa mga ito ay ang nakita sa Marilao, Bulacan, na likha pala ng isang mamahaling ilaw sa beerhouse. 

May mga sighting din sa Bataan at Zamboanga na napag-alamang meteor shower naman.  Ang isa pang nakita sa ilang bayan ng Batangas ay pawang mga eroplano lang pala,  Gayundin, napatunayan na ang mga natanaw sa kalangitan ng Provident Village sa Marikina City at sa Malate, Manila, ay mga laser lights na ginagamit sa pang-test ng air pollution.

Ang sightings naman na naitala sa Capiz ay nadiskubreng artificial satellites na kumikilos sa kalawakan.

[Click here to view portions of the video on youtube:  http://www.youtube.com/tonyisrael%5D

Advertisements

About this entry