‘UFOs’ SA METRO NA-VIDEO

(Transcribed from the Pinoy Times, September 7, 2000)

A Pinoy Times EXCLUSIVE by John Henry Dodson

May kagila-gilalas na nangyari noong Linggo, Setyembre 3, bandang 7 p.m. sa Pamplona Park Subdivision, Las Piñas City.

 Sa murang edad na 10 taon, alam na ni Marites Magadan isang Grade 4 pupil sa Pamplona Elementary School, na hindi pangkaraniwan ang kanyang nasasaksihan mula sa gate ng kanilang bahay sa Taurus Street.

 Di kalayuan sa kanya, sa labas ng kanilang tindahan, ay pinagtatalunan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Benjie at ng mga kaibigan nito ang hindi bababa sa 5 na animo’y bituin na pasayaw-sayaw sa karimlan ng gabi.

 Sa balkonahe ng isang 2-storey apartment sa Taurus Street pa rin, ay di magkamayaw ang ilang tao sa panonood ng umiilaw at bilugang mga bagay na iyon.

 “Kulay pula po. Malikot ang galaw – minsan ay pumapaitaas, minsan ay patagilid naman po,” pagsasaad ni Marites.

 Fiesta

Ilang kilometro mula roon, sa katabing Camella Homes IV subdivision, parang may fiesta sa Silver Street – ang karamihan ng mga tao’y nasa labas ng kani-kanilang bahay, nakatingala sa langit.

 “U-F-O! U-F-O!” (Unidentified Flying Object).

 Iyan ang mga sigaw na humila sa atensiyon ni Violeta Daluna, 40, ang pang-gabing security guard sa Camella IV.

 “Eight o’clock ang shift ko, kaya eksaktong 7:30 p.m. ay nandito na ako sa outpost ko.  Nag-uuniporme ako noon dito sa guard house nang mapansin kong may pinagkakaguluhan ang mga tao,” ani Daluna.

 “Noon ko nakita yung lumilipad na iyon.  Naisip ko agad na hindi puwedeng mga eroplano iyon dahil sa kiti-kiti nilang galaw,” dagdag ni Daluna ng MODSA Security Agency.

 Isa ang tinedyer na si J.R. sa unang eyewitnesses sa Camella.  Umiihi umano siya noon sa bakod ng kanilang bahay.

 “Bago po lumabas iyong marami kong kakilala, nakita ko po iyong buwan dito (sabay turo sa kanan).  Andito po, kulay pula.  Nagtaka nga po ako dahil akala ko star lang, ba’t po pula,” ang pahayag ni J.R.

 Idinagdag ni J.R. na nagsampahan ang ilan sa kanyang mga kaibigan sa bakod habang ang pinsan niyang si Ruel ay sa kanilang bubong pumuwesto kasam ang isa pa.

 TSAMBA LANG

Tsamba lang naman ang unang pagkakakita ni web consultant Antonio P. Israel sa mga “UFO.”

 “Pagbukas ko ng venetian blind, nakita ko yung buwan.  Sa ibang lugar umuulan sabi sa balita, pero surprisingly dito sa area namin walang ulap na covering, so napansin ko yung buwan.  Ngayon, nakita ko na may dalawang bituin na kulay pula.  Sabi ko baka dahil sa clouds,” kuwento ni Israel.

 “Mga 7:00 o 7:30 p.m. Kasi nakikinig ako ng radio.  Incidentally na kay Jimmy Licauco ako, sa programa ni Jimmy Licauco. Tapos nagkaroon siya ng break, station break.”

 “Noon ko napansin na may dalawang bituin, magkadikit doon sa buwan.  Tiningnan ko, gumagalaw yung orange ball, parang red orange na stars.  Kinuha ko yung video camera ko. Pagkuha ko, nakita ko nga iyong unang shots na nakita natin” pagpapatuloy ni Israel.

 Gamit ang isang Sony handycam na may 220x digital zoom, nakunan ni Israel ng footage ang mga nasabing umiilaw at lumilipad na bagay.  Ang kanyang mga kasambahay ay kasama niya noon sa labas ng kanilang bahay.

 “Yung mga spectator? Siguro nasa mga 50. May maririnig ka doon sa tape na yung iba skeptical nga.  Kasi nga from the naked eye perspective iba ang makikita kaysa kung naka-camera ka,” ani Israel. “Bale pag naked eye po mabagal lang po.  Pero pag nasa camera magalaw tulad nang naita natin,” ang sabad naman ni Darwin Pido, isang batang nakasaksi. 

 VIEWING

 Kamakalawa’y sinadya ng writer na ito at ni photojournalist Mike Perez ng PINOY TIMES ang dalawang magkakahiwalay na lugar kung saan nagbigay ng pahayag ang mga nakasaksi. Nguni’t hindi lang mga pahayag ang nakuha naming, bagkus ay ipinapanood pa sa amin ni Mr. Israel ang footage.

 Ang mga sumusunod ay obserbasyon ng writer na ito at ni Mr. Perez base sa footage na tumagal nang may kalahating oras.

 Establishing o background shots na naglalagay sa aksiyon ng mga testigo sa Silver Street, Camella Homes IV

  • Maliwanag na video at audio kung saan nakapaloob ang pagdaan ng mga tricycle at ang mga komento ng ilang taong namamangha sa nasaksihan
  • Mahirap ipaliwanag na bilis at galaw ng mga lumilipad na maaaring kumumbinsi na hindi weather balloons ang mga nabanggit
  • Anyo na nagpapahiwatig na may solid, disc-shaped core ang mga lumilipad na lalong lumilitaw kung ang footage ay inilalagay sa slow-motion
  • Hindi rin maaaring meteor-shower ang mga iyon dahil napakalikot ng galaw ng mga ito. Kung meteor o sirang satellite ang bumabagsak sa mundo, paarko at pababa na guguhit ang mga ito sa kalangitan

 SOBRANG BILIS

Maraming bagay ang kailangang ipaliwanag ng mga eksperto batay sa nasabing video footage.  Ilan dito ang malawak na area na ginalawan ng mga umiilaw na bagay, at ang sobrang bilis na pagpunta nito mula point A at B.

 Kung kukuwentahin ng astro-physicists, maliwanag mula sa footage na ang ilang kilometro ng kalawakan ay nalilipad ng mga nasabing bagay sa isang saglit lang.  Minsan ay meron at minsa’y walang pattern ang galaw ng mga ito.

 Isa sa highlights ay ang clockwise movement ng isa sa mga “UFOs” mula 2 o’clock pa 11 o’clock habang nasa fulcrum ng flight pattern nito ang isa pang naka-steady na ‘UFO.’

 Mahirap ding sabihin na ang mga umiilaw at lumilipad na bagay ay resulta lang ng laser lights show, na ginagawa sa pamamagitan ng pagpapatama at pagpapasayaw ng malakas na floodlight sa kalangitan.  Hindi transparent ang mga nabanggit na bagay di tulad ng laser lighs show na kung saan nakikita ang tinatamaan na ulap.

 

[Click here to view portions of the video on youtube:  http://www.youtube.com/tonyisrael%5D

Advertisements

About this entry